Monday, November 29, 2010

Nostalhiya

Naganap ang pangungulila ko sa aking kahapon nito lamang nagdaang weekend. Aksidente kong nahanap sa Local Disk (C:) ang larong minsan nang naging kakabit ng aking kabataan. Tinatawag itong "Heretic" kung saan ito'y nilalaro sa computer ng aming kapitbahay na pinsan.


Naaalala ko pa noon, tuwing umaga; wala pang mumog, wala pang almusal. Kapag narinig namin ang "start up"  sound ng windows, kakaripas na kami ng takbo para makaupo malapit sa monitor. Nagbubukas din naman sila kapag hapon, para makanood din yung iba pa naming pinsan. Excited kaming lahat kapag sisimulan na yung laro, kahit na karamihan sa'min ay manonood lang. Kapag natapos na yung laro, kanya kanya kami ng yabang sa mga kaibigan namin na natapos na "namin" yung laro. Naaalala ko pa kung anong lungkot ang nararamdaman ko kapag pinapatay na yung computer. Tipong nagsiuwian na yung iba pero ikaw nakaupo pa, umaasang bubukasan ulit un AVR. (nangyari na kasi na isang beses binuksan ulit nung nagsialisan na yung iba, ayaw yata nila ng masyadong crowded at maingay)


Nagpatuloy pa ang paglalakbay ko sa time machine nang mapadpad ako dun sa parke sa aming lugar. Kasama ko noon ang kasintahan ko. Madaming kuwento ang bumalik sa utak ko habang naglalakad kami papunta sa lugar. Naalala ko yung lugar kung saan kami nagba-bike. Yung pababang slope kung saan muntik nang sumemplang si ate at kapatid kong bunsong lalaki dahil iniiwasan nila ang padating na tricycle. Nadaanan ko din yung bahay na pinaparadahan ng School Service namin. Madalas kaming delayed sa bayad pero hindi naman nila nagawang iwanan kami kapag nagsusunduan. Madalas pa nga sinusundo nya pa kami sa bahay (kung saan hindi kayang dumaan ng sasakyan). May dala pa syang payong pamalo sa mga aso. Di ko nga alam kung sa'n nanggagaling yung tapang nya na maglakad sa dilim, ang dami kayang asong ulol sa'min.


Medyo mahaba yung nilakad namin bago kami makarating sa parke. Pagdatal nami'y nagulat ako dahil meron nang gate yun palaruan. Ibig sabihin, hindi na puwedeng tumambay dun kapag gumabi na. Tanda ko kasi dati, nagpupunta ako dun ng alas dyes ng gabi. Kapag nalulungkot, kapag napapagalitan sa bahay.


Wala na din yun mga upuang semento na pinaghihiligan namin ng mga bisikleta namin. Pero meron namang mga upuang may malaarkong sandalan.


Nandun pa din naman ang covered court pati ang cottage. Medyo kaunti na lang un mga vandalism nito. Mapresko pa din at syempre, malamok. Kaso wala na yung lambaras na madalas kong inaakyat para upuan. Mataas kasi yun, masarap magpahangin at tumanaw sa malayo. Kung sa bagay, kung nandun pa ba yun, puwede pa ba kong umakyat dun? E sa tingin ko pag umupo ako sa tuktok non, e mas madami pa kong matatanaw pag nakatayo ako.


Minsan ko na din siyang naisama sa lugar kung saan dati kaming pinagbawalang magpipinsan. Medyo may kalayuan kasi at medyo marami daw masasama ang loob. Marami kasing squatters at looban, Ewan ko ba kung anong asosasyon ng kasamaan ng kalooban sa estado ng buhay. E may iba dyan, nakapag aral pa at maganda ang tinatamasang buhay pero sagad sa buto ang kasamaan.


Tinatawag kong dati kong sanctuary ang lugar na iyon. Masarap kasing magbisikleta dun. Masarap sumemplang kasi makinis at patag ang aspalto. At kung mapahiya ka man, kaunti lang ang makakakita. May mga matatarik at pababang daan dun na parang heaven ang pakiramdam pag dinaanan mo. Huwag ka lang pipidal pa kasi sobrang bibilis na ang bulusok mo.


Kaso nga lang, habang lumalaki ang populasyon dumadami ang pamilyang nangangailangan ng titirahan. Sa ngayon, wala nang natira pang daan para bisikletahan. Meron naman kaso puro talahiban at lupang tiwangwang. Nakakalungkot na masaksihan ang pagmaliw ng mga bagay na dati mo nang inangkin sa iyong isipan. Mga lugar na minsa'y inasam mong sa'yo na lamang at walang makaalam.


At oo, tapos ang 'tong tala ko.

Thursday, November 4, 2010

kabiguan ng isang makata

ay nang hindi nya mapagtugma
nang hindi nya maipagkasya


kabiguan nya ay noong hindi umukol
ipilit man, wala nang batong maipukol.


tulad ng mangingisdang hindi nakakakain ng sariling huli
ang magsasakang bumibili ng bigas na hindi nya inani


ang kasambahay na umaaruga at nilisan ang sarili nyang anak
mga gurong ni hindi mapalaganap ang sariling nilang tatas




kaya sa inyo ko alay ang aking tala
mga kabiguan ng isang makata
sa halip na nalilinang ang sariling likha
hanggang ngayo'y sadlak, isang dukha..

Monday, November 1, 2010

Unang Likha



Ito ang unang panulat ng isang aliping tinta. Nagmamasid sa mga kaganapan sa paligid ng birtual na realidad.

Ano nga ba ang esensya na magkaron ng "Account" kung saan ang lahat ay makapagpapahayag ng kanilang mga saloobin? 

Medyo matagal tagal ko na pala ito dapat sinimulan. Wala namang limitasyon ang mga ideyang papasok at lalabas sa aking utak. Kahit nga di'ba mga taong may "Alzheimer's Disease" mayroon pang kontribusyon. E para sa'n pa ba 'tong sinasabi ko, magsusulat na lang ako. 

Hindi kailangan pantayan ng mga paskil ko ang pamantayan ng isang aliping tinta. Isa lang ako sa mga nakararaming naghahangad na magkaroon ng munting bakas sa mundong ito. Sampu nilang lahat na hindi ko pa kilala, naniniwala ako/kami na ang pinagsasama naming bakas ay magkakaroon ng malaking epekto sa mangilan- ngilan pang hindi nakikialam at nagbibingi- bingihan.


Au revoir